#TLPNews | LPU SHS matagumpay na idinaos ang Buwan ng Wikang Pambansa 2021
Tinutukan ni: Edbert Deliezo at Marielle Manangan
Kuhang larawan ni: Edbert Deliezo
Sa pangunguna ng Departamento ng mga Wika at Sining, idinaos ng LPU SHS ang pagdiriwang para sa Buwan ng Wikang Pambansa 2021 na may temang, “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” kahapong Setyembre 25 sa ganap na ika-9 ng umaga. Ginanap ang birtwal na palihan sa pamamagitan ng MS Teams na dinaluhan ng mga mag-aaral at guro ng departamento ng SHS.
Pormal na binuksan ang nasabing programa sa awit panalangin na pinamunuan ng Bearers of Music Club at pag-awit ng Lupang Hinirang. Nagbigay naman ng pambungad na pananalita si Bb. Hanah Navalta, gurong tagapayo ng The Lycean Pioneer, kung saan ay iniwan niya ang katagang, “Ang pagmamahal sa ating sariling wika ay pagmamahal din sa ating bansa.
Nagbahagi ng hindi matatawarang kaalaman tungkol sa tema ng Buwan ng Wika ang susing tagapagsalita na si G. John Rey Y. Ayangco, isang dalubhasa sa wika at nagmula pa sa bayan ng Mauban, lalawigan ng Quezon. Siya rin ang awtor ng bagong kalulunsad na aklat na pinamagatang “Hulog Agosto at iba pang mga dagli’t istorya.” Dito ay tinalakay niya ang tatlong punto ng kaniyang presentasyon; dekolonyalismo, neokolonyalismo, at globalisasyon.
Binigyang-diin niya sa kaniyang presentasyon ang paksang nagbibigay linaw sa mga manonood kung “Ano ba talaga ang paglaya?”. Ayon kay G. Ayangco, maaaring tangkilikin ang mga bagay-bagay na hindi gawa ng Pilipino, ngunit kailangan ding itanong sa sarili kung mayroon ba itong katumbas sa sariling bansa, sapagkat sa paraang ito, maiiwasang makalimutan ng
mamamayan ang sariling kultura sa kasalukuyang paglawak ng globalisasyon.
“Kahit na gusto ko ang mga banyagang bagay, alam ko pa rin sa sarili ko na mahal ko ang sarili kong kultura.” saad ni G. Ayangco.
Matapos ang presentasyon ay ginawaran ng sertipiko ng pagkilala si G. Ayangco kung saan ay nagkaroon ng maikling oras para sa pagkuha ng larawan kasama ang mga guro at mag-aaral na dumalo sa programa.
Kasunod nito, pinarangalan ang mga mag-aaral na nagwagi sa patimpalak sa pagsulat ng dagli, bigkas tula at pagsasaling-awit na ginanap noong nakalipas na linggo. Iginawad ang sertipiko ng pagkilala sa mga nagwagi, kay Bb. Mika Yvanna M. Gonzales ng 12-Wyeth para sa pagsulat ng dagli, kalakip nito ay ipinalabas naman ang mga nagwaging presentasyon nina Bb. Ejane Huyo-a ng 11-Axiom para sa bigkas tula, at Bb. Alyanna Therese Acain ng 12-Wyeth para sa pagsasaling-awit.
Bago tuluyang matapos ang programa, naghandog ng bidyong pagbati ang SHS-LYCESGO, The Lycean Pioneer Editorial Board, mga mag-aaral ng bawat pangkat, pati na rin ang mga kaguruan sa nakalipas na kaarawan ni Bb. Clarence Ella D. Alipio, punongguro ng Departamento ng SHS.
Bilang pagtatapos, nagbigay ng mensaheng pasasalamat si G. Follero para sa lahat ng mga lumahok sa patimpalak at nakiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng
Wikang Pambansa 2021.
Tumayong tagapagpadaloy ng palatuntunan sina Bb. Claudy-Lette Real at G. Darren Joe Follero, mga guro sa wika at panitikan.