default banner

#TLPNews |

Matagumpay na isinagawa ang taunang pagdiriwang para sa

Buwan ng Wika

 


Matagumpay na idinaos ng mga mag-aaral ng LPU Manila SHS ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika noong Agosto 30 sa silid ng 229 D mula ala-una hanggang alas-tres ng hapon.

Umikot ang pagdiriwang sa temang "Wikang Katutubo Tungo sa Isang Bansang Filipino" na dinaluhan at kinalahukan ng mga piling mag-aaral mula sa ika-labing isa at ika-labing dalawang baitang.

Ang programa ay pormal na binuksan ng isang pambungad na pananalita mula kay Bb. Claudy-lette Real, guro sa Komunikasyon at Pananaliksik sa Kultura at Wikang Filipino.

Pagkatapos nito ay magiliw na sinimulan ang patimpalak na Salin Awit. Pinasinayaan ito ng ilang mag-aaral mula sa iba't ibang pangkat sa pamamagitan ng pagsasalin ng isang kantang Ingles sa wikang Filipino.

Agad naman itong sinundan ng patimpalak na Bigkas Tula kung saan nagpakitang gilas ang mga kalahok sa pagkatha ng sariling tula na naaayon sa taunang tema ng Buwan ng Wika. Ang mga kalahok ay binigyang pagkakataon na bigkasin sa harap ng madla ang kanilang mga gawa na nagpaantig ng pusong pagka-Pilipino ng mga tagapakinig.

Ang lupon ng mga hukom para sa nabanggit na mga patimpalak ay binubuo nina G. Chris B. Santos, G. Christian Jude Wariza at G. Gene Michael Atanacio.

Sa huli, pinarangalan ang mga nakilahok sa iba’t-ibang kategorya. Nagwagi si Denise Hoyo-a ng pangkat Beethoven ng pangalawang gantimpala at itinanghal naman si Vincent James Aguilar mula pa rin sa pangkat Beethoven bilang kampeon sa paligsahan ng Digital Art.

Para naman sa paligsahan ng Salin Awit, nagwagi si Phorland Mangahas mula sa Concentrix ng ika-tatlong gantimpala. Nakuha naman ni Ericka Faith Cruz ng Confucius ang ikalawang gantimpala, habang si Vanya Danyella Barachita ng Darwin ang nakakuha ng unang gantimpala para sa patimpalak ng Salin Awit.

Huling pinarangalan ang mga kalahok sa Bigkas Tula kung saan inuwi ni Jalil Silverio mula sa pangkat Darwin ang ikatlong parangal. Ang ikalawang parangal naman ay iginawad kay Clarisse Ricablanca mula sa pangkat Bridgestone at itinanghal si Kyle Sumaway ng pangkat Confucius bilang kampeon sa paligsahan ng Bigkas Tula.

   

Naging matagumpay ang kabuoang palatuntunan na ito dahil sa pagtutulungan ng mga guro sa asignaturang Filipino na sina Bb. Jamima Leaño, Bb. Claudy-lette Real at Bb. Christina Moya at kooperasyon ng mga mag-aaral sa Senior High School.

Tinutukan nina: Jean Francis Marcillano at Katherine Chan
Kuhang larawan ni: Patrica Ellisse Salcedo